Friday, April 07, 2006

Hangad ay Kalayaan Para sa Sambayanan

From the Office of Anakpawis Representative Crispin B. Beltran

Lisa C. Ito, Public Information Officer (+63)927.796.7006

Tel. # (+632) 426-9442 Email: crispinbeltran@gmail.com

URL: http:// www.geocities.com/ap_news



Hangad ay Kalayaan Para sa Sambayanan

Statement of Anakpawis Congressman Crispin Beltran

April 3, 2006


Ikinalulungkot at ikinakagalit kong marinig ang resolusyon ng mababang Korte na siyang magiging dahilan ng aking pananatili sa 'di-makatarungang pagkakapiit dito sa Camp Crame.



Sa pagaantala ng Makati Regional Trial Court branch 137 sa aming Motion for Judicial Determination of Probable Cause ay unti-unting lumilitaw ang katotohanan na walang maitatamasang katarungan sa ilalim ng administrasyong ito. Sinasalamin lamang ng resolusyon ang patuloy at labag sa Saligang Batas na panunupil laban sa mga sumusulong ng demokratikong karapatan ng mamamayan. Dahil kung tunay na pinairal ang katarungan at wastong proseso ng batas ay sa una pa lang ay hindi dapat ako pinanatili ng administrasyong ito sa Camp Crame ng mahigit isang buwan, o tatlumpu't walong araw kung ating bibilangin.



Ikinokondena ko rin ang patuloy na pulitikal na panunupil ng administrasyong Arroyo laban sa mga kasamahan kong mambabatas na sina Cong. Rafael Mariano, Cong. Satur Ocampo, Cong. Teddy Casino, Cong. Joel Virador, at Cong. Liza Maza. Nananawagan ako para sa agarang pagtigil sa harassment sa kanila, bilang mga halal na kinatawan ng taumbayan.



Sa kabila ng desisyong ito ng mababang korte ay sisikapin pa rin nating ipagpatuloy ang labang nasimulan sa loob at labas ng Mababang Kapulungan. Tuloy ang laban. Sa kabila ng panghihina ng aking kalusugan habang nasa piitan, naging mas matatag ang kalooban ko ngayon kaysa sa dati. Buong-buo sa aking isipan na kailangang ipagpatuloy ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya, sapagkat ito lamang ang tanging daan sa paglaya ng ating bayan.

Ako ay lubos-lubos na nagpapasalamat sa lahat ng tumitindig at nananawagan para sa aking paglaya mula sa piitan. Pero higit sa lahat, ang aking hinihingi ay ang paglaya ng sambayanang Pilipino mula sa pagsasamantala, panunupil, at paghihirap. Kailangang ituloy-tuloy natin ng mas masugid at nagkakaisa ang pakikibaka para sa pambansang paglaya at demokrasya sa ating bayan. Kailangang bigyang-diin ang pakikibaka para sa mga patakaran na magbibigay-daan para sa pag-angat ng kabuhayan ng masang anakpawis na umaabot ngayon sa 90% ng kabuuang mamamayan sa bansa natin. Kabilang na rito ang buong pagsisikap na magkaroon ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon, sapagkat kung wala ang dalawang (2) na ito ay mahirap maabot ang economic emancipation ng ating bansa.

Pangatlo, kailangang ituloy-tuloy natin ang pakikibaka para sa karapatang pantao. Ang sinesentruhan ng kasalukuyang pagyurak sa karapatang-pantao ay iyong mga kasamahan nating mga aktibista na [sumusulong sa pakikibakang] pangkabuhayan at pampulitika. Kinikitil ngayon ang kanilang buhay ng mga military at goons ng administrasyong Arroyo. Dagdag na rin dito ang pakikibaka para matamo ang katarungang panlipunan, na sa ngayon ay nananatiling panaginip lamang.



Ikaapat, ang pakikibaka para sa mga patakarang makapagbibigay ng urgent economic relief sa mamamayang pinerwisyo ng R-VAT, mababang sahod, at implasyon. Mga patakarang katulad ng House Bill 0345, na naglalayong mabigyan ang mahigit 16 na milyong manggagawa sa pribadong sektor ng isang P125 across-the-board nationwide wage increase, o kaya ng mga batas na magbibigay ng buwanang P3,000 across-the-board na dagdag-sahod sa mga kawani ng gobyerno. Naririyan rin ang pangangailangang tumindig laban sa ipinapanukalang Anti-Terror Bill sa Mababang Kapulungan, at sa iskemang Charter Change ng administrasyong Arroyo. Walang kabutihang maidudulot ito sa masang anakpawis, at bagkus ay magbibigay-daan para sa higit na panunupil, kasakiman, at kaapihan.


Sa mga taong nandodoon sa kampo ng reaksyonaryong pulitika at programang ekonomiya na nag- conspire upang ako ay panatilihin sa kulungan: sana maunawaan ninyo na ang ipinakikibang ito ng partido Anakpawis, o kaya ng masang anakpawis, ay para sa inyo rin.



Walang maidudulot na mabuti ang inyong panunupil sa mga sumusulong sa demokratikong karapatan ng mamamayan. Hindi tatagal ang estadong ito kung saan ang napakaraming mamamayan ang lumalangoy sa kumunoy ng kahirapan at kakaunti lamang na mamamayan lamang ang nagtatamasa ng kayamanan at kaginwahaan. Darating ang panahon na hindi na rin ninyo pakikinabangan ang inyong pagkaganid sa kayamanan at kapangyahiran.###

0 Comments:

Post a Comment

<< Home