Tuesday, January 24, 2006

NR0124: Masamang balita sa Palasyo nagmula

*Masamang Balita sa Palasyo nagmumula*

*Bunye, nagtutulak ng media censorship! - Rep. Beltran*




Binatikos ni Anakpawis Representative Crispin Beltran si Presidential
Spokesperson Ignacio Bunye sa pahayag nito kahapon na tumitira sa "negative
news". Aniya, indikasyon itong pahayag ni Bunye na handa itong itaguyod ang
media censorship at pagsisinungaling upang maitago sa publiko ang mga
kalokohan ng Malacanang.



Sa kanyang talumpati sa ikatlong 3rd PR Summit sa Makati kahapon, binatikos
ni Bunye ang "bickering, mudslinging and politicking" sa media, na nagiging
sanhi umano ng 'bad image' natin sa mga dayuhan at nagiging sagabal sa
pag-unlad ng bansa. "Day in and day out, we are bombarded with so much
negative news about our country and fellow Filipinos. It is as if there is a
dearth of good news to share. Serious allegations are leveled even without
basis. Worse, even if these allegations are obviously the concoctions of
persons motivated only by self-interest, our chismis-driven culture
unfortunately laps it up as gospel truth " pahayag ni Bunye.



"Ibig sabihin lamang nito na itutulak ng Palasyo ang media censorship" sabi
ni Beltran. "Bilang dating media practitioner, nakakahiya itong panguudyok
ni Bunye sa media at sa industriya na maglabas lamang ng mga press release
at palipad-hangin ng Palasyo, kaysa sa mga isyu na sumasalamin sa totoong
kalagayan ng sambayanang Pilipino. Lalo na sa panahong ito, kung saan dumami
pa ang mga pinapaslang na kapatid natin sa media dahil sa kanilang
paninindigan para sa katotohanan," aniya.



"Tila nakalimutan na ng Malacanang Press Secretary na ang Palasyo mismo ang
gumagawa ng masamang balita. Hindi ba si Bunye mismo ang nagmadaling
magpatawag ng press conference kung saan pumutok ang kontrobersiya ng
"Hello, Garci?" tapes?" aniya.



"Mr. Presidential Spokesperson, magkaibang larangan ang public relations
(PR) at pamamahayag. Trabaho ng ating mga reporter na suriin at bulatlatin
ang mga isyung nakakaapekto sa mamamayan, katulad ng Subic rape case, US-RP
war games, mga iskandalo ng korapsyon na kinasasangkutan ni Gng. Arroyo, ang
pamamaslang ng mga aktibista, ang laganap at lumalalang kahirapan at
kagutuman. Hindi nila trabaho ang gawin itong katanggap-tanggap ayon sa
gustong mangyari ng Palasyo," aniya.



"Hindi sinungaling at intrigero ang ating mga mamamahayag, Mr. Palace
Spokesperson. Hindi rin dapat ituring na problema ang tuloy-tuloy na
masamang balita tungkol sa administrasyong Arroyo. Nagkakaroon lamang ng
malaking problema dahil hindi kaya ng Palasyo na sagutin ng mahusay at tapat
ang mga isyu at kontrobersiya na kinasasangkutan ni Gng. Arroyo at ng
gobyerno: pandarambong, pandaraya sa halalan, paglabag sa karapatang pantao,
at pagkatututa sa Estados Unidos," ani Beltran. ###

0 Comments:

Post a Comment

<< Home