Saturday, April 01, 2006

Interview with Cong. Crispin Beltran

Interview with Cong. Crispin Beltran

Room 1, Philippine National Police General Hospital, Camp Crame

March 31, 2006


Kamusta na po kayo? Kamusta ang iyong kalagayan?
Sa kalagayan, ay masama ang kalagayan ko. Pwedeng tignan sa, unang-una, iyong kalagayang pampulitika: dito sa kulungan, siyempre, hindi ka makapagsalita ng kung ano gusto mong sabihin. In other words, kitang-kita ang kawalan mo ng kalayaan


Ngayon, sa kalusugan naman, masyadong
erratic ang aking blood pressure. Paminsan-minsan, bumabababa ng napakababa. Halimbawa ang basa [ng blood pressure] ay [umabot] hanggang sa 90/60 at paminsan-minsan naman tumataas ng mataas na mataas, 180/120. At mayroon pa akong 'kutob' sa puso, na medically kung tawagin [ito] ay
murmur of the heart.
So iyon na ang nadadaransan natin.


At siyempre pa, matagal-tagal na akong may record ng diabetes. Isa pa rin iyon sa minamanmanan natin, at gayundin iyong sakit sa baga. Noong year 2000 ay na-opsital [ako] ng more than 1 month at inalisan ng tubig ang aking baga, na umabot sa tatlong litro at kalahati.

Sa iyon ang mga minamanmanan natin ngayon na sakit.


Ngayon sa espiritu naman, o kaya katatagan ng loob, ay mas matatag ang kalooban ko ngayon kaysa sa dati. Sapagkat buong-buo sa aking isipan na kailangang ipagpatuloy ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya, sapagkat ito lamang ang tanging daan sa paglaya ng ating bayan.

Ano naman po ang mensahe ninyo sa mga tao na humihiling para sa iyong pagpapalaya?


Ako ay lubos-lubos na nagpapasalamant sa kanila, sa kanilang ginagawa sa ating paglaya. Pero higit sa lahat, ang aking hinihingi, katulad din nila, ay ang paglaya ng sambayanang Pilipino mula sa kalagayan ng oppression, repression, at extreme poverty. Kailangang lumaya tayo sa lahat ng ito.

Kung kaya't ipinapanukala ko ulit sa kanila na kailangang ituloy-tuloy namin ang aming sinumpaan na commitment sa bayan na ipagpatuloy ng mas masugid at nagkakaisa iyong pakikibaka para sa pambansang paglaya at demokrasya sa ating bayan.


At sa ilalim nito, [nandiyan iyong] kailangang sentrohan namin ang pakikibaka para sa kabuhayan ng mamamayan na umaabot ngayon sa 90% ng kabuuang mamamayan sa bansa natin, ay halos kapos o walang kabuhayan.

Pangalawa, kailangang ituloy-tuloy natin ang pakikibaka para sa karapatang pantao. Sapagkat alam naman nating lahat ngayon na [ang] sinesentruhan ng pagyurak sa karapatang-pantao ay iyong mga kasamahan nating mga aktibista na [sumusulong sa pakikibakang] pangkabuhayan at pampulitika, na tuloy tuloy ang kanilang pagkilos. Kinikitil ngayon ang kanilang buhay ng mga military at goons ng administrasyong Arroyo.
Doon natin itutuon ang pakikibaka para sa paggalang ng karapatang pantao.


Pangatlo, yung pakikibaka para matamo ang katarungang panlipunan, na sa ngayon ay nananatiling panaginip lamang.

At ang panghuli ang pakikibaka para sa kapayapaan ng ating bayan.


Mababalikan [ko] pala iyong tungkol sinabi ko na pakikibaka para sa kabuhayan. May dalawang (2) mahalagang programa sa ilalim nito, at ito yung pakikibaka para sa pagkakaroon ng tunay na repormang agraryo, na siya ang tungtungang pangkabuhayan na isinusulong. Kaakibat nito, ang buong pagsisikap para magkaroon ng tunay na pambansang industriyalisasyon, sapagkat kung wala ang dalawang (2) na ito ay mahirap maabot ang economic emancipation ng ating bansa

Iyon lahat-lahat ang ating ipinakikibaka sa ngayon, na kumbaga sinuma lang natin ang 20-point program na inihain natin sa pamahalaan nang tayo ay nagumpisang lumahok sa pampulitika o parliamentaryong pakikibaka sa loob ng Kongreso.


Inuulit natin na iyong pakikibaka sa loob ng Kongreso ay dagdag na entablado lamang sa pakikibaka ng martsa ng sambayanan sa labas ng Kongreso. Ang tunay na inaasahan natin ay yung pagtatagumpay ng pakikibaka sa labas ng Kongreso.



Ano naman po yung mensahe ninyo sa mga taong na nais panatilihin kayo sa piitan?


Sa mga taong nandodoon sa kampo o mga kaporal ng reaksyonaryong pulitika at programang ekonomiya na gusto akong panalitihin dito: sana maunawaan ninyo na ang ipinakikibang ito ng partido Anakpawis, o kaya ng masang anakpawis, ay para sa inyo rin.

Isinusumpa namin na kailanman ang napakaraming mamamayan [ang] lumalangoy sa kumunoy ng kahirapan at kakaunti lamang na mamamayan lamang ang nagtatamasa ng kayamanan at kaginwahaan-- darating ang panahon na hindi na rin ninyo pakikinabangan ang inyong kayamanan kung ayaw ninyong ma-'save' ang nakakarami na nandidyan sa kumunoy ng kahirapan.


Sabi nga ng mga nakaraang Presidente, lalong lalo na si Pres. [John F.] Kennedy ng Estados Unidos, "If you can not save the many who are poor, you can not save the few who are rich"*.

Ayon po ang mensahe natin sa mga taong palayo at umaabuso sa kapangyahiran, na pinagsasamantalahan at inaapi ang nakararami. Iyon ang ibinibigay natin na
warning sa kanila.
Iyon lamang at maraming salamat.


*Taken from Pres. John F. Kennedy's inaugural speech dated January 20, 1961, as follows: " To those peoples in the huts and villages across the globe struggling to break the bonds of mass misery, we pledge our best efforts to help them help themselves, for whatever period is required-not because the Communists may be doing it, not because we seek their votes, but because it is right. If a free society cannot help the many who are poor, it cannot save the few who are rich."

0 Comments:

Post a Comment

<< Home