Saturday, February 04, 2006

Bakas sa 'Wowowee' trahedya

Mula sa Tanggapan ni Anakpawis Rep. Crispin Beltran


BALITA

Pebrero 4, 2006



*Kahirapan na dulot ng administrasyong Arroyo, *

*Bakas sa 'Wowowee' trahedya- Ka Bel *



Nagpahayag ng lubos na pagdadalamhati si Anakpawis. Rep. Crispin Beltran
para sa sinapit ng mga biktima ng 'Wowowee tragedy' kaninang umaga.



Aniya, sinasalamin ng trahedya ang laganap at malalim na kahirapan sa ating
bayan.



"Hindi mapagkakaila na ang isang milyong piso, bahay, at lupa na nakataya
bilang premyo sa Wowowee ay ang pangunahing dahilan kung bakit libo-libo ang
dumagsa sa Ultra. Mga premyo at pangako na kakagatin ng milyon-milyong
Pilipino na nakakaranas ng gutom, kawalan ng hanapbuhay, at pagtaas ng mga
presyong bilihin at singilin dahil sa ipinagmamalaki ng Pangulo na buwis na
R-VAT at pagtaas ng presyo ng langis," ani Beltran.



"Maraming tumatangkilik sa mga palabas katulad ng Wowowee dahil din wala
nang ibang nakikitang paraan ang masa na guminhawa ang buhay sa ilalim ng
administrasyong Arroyo kundi sa pamamagitan ng pagkakapanalo sa Wowowee o sa
Lotto," aniya.



"Simula nang malukluk sa poder noong 2001 ay panay ang satsat ng pekeng
Pangulo na giginhawa ang buhay nating mga Pilipino. Pero hanggang ngayon ay
nananatili pa ring nakapako ang mamamayan sa mga bigong pangarap na
magka-pera, bahay at lupa. Indikasyon lamang nito ang dami ng tao na patuloy
na tumatangkilik sa mga palabas katulad ng Wowowee," aniya.



"Wala nang ibang dapat sisihin sa trahedya kung hindi ang desperasyon na
dulot ng mga pahirap na patakaran ng gobyerno. Patunay lamang ito na patuloy
na bumabagsak ang ekonomiya at antas ng kabuhayan ng milyon-milyong Pilipino
sa ilalim ni Gloria," aniya. ###

0 Comments:

Post a Comment

<< Home